Not 4 art's sake

In the world today all culture, all literature and art belong to definite classes and are geared to definite political lines. There is in fact no such thing as art for art's sake, art that stands above classes, art that is detached from or independent of politics.

Sunday, April 10, 2005

Lespu



DI KARAPAT-DAPAT SA IYONG PANGALAN ANG TULAY NA ITO
Alexander Martin Remollino

Ito ang tulay na nagsuot ng pangalan
ng isang tagapagwagayway ng bandila ng karapatang sibil:
sa likod ng istatwa ni Chino Roces,
nagyayabang ang bakod na alambreng matinik --
at sa likod ng bakod ay bakod pa rin,
bakod ng mga kalasag na ang humahawak
ay mga unipormado't armadong kriminal.

Chino Roces,
di karapat-dapat sa iyong pangalan ang tulay na ito,
tulay na patuloy pang inaangkin ng mga halimaw
na nagsadlak sa iyo sa piitan.
Para kang si Amado Hernandez,
na ang alaala'y inangkin ng mga maharlikang busabos
na kanyang pinagduduro.

Chino Roces, Amado Hernandez --
kayo'y mga biyak ng iisang bunga,
nabilanggo at bagaman pinalaya
ay kapwa bilanggo hanggang ngayon,
parehong dapat tubusin ng sambayanan.

Saturday, April 02, 2005

GradWait?




Welcome,
graduate ka na pala...

pero san ka kaya mapupunta?
mag-aabroad?
magkokolcenter?
magnenegosyo?

o baka naman
mabibilang sa madaming unemployed
o di kaya'y underemployed?

sa dinamidami ng gumagradweyt taon taon
wala namang makuhang trabaho
ano ang gagawin mo?

Monday, March 21, 2005

Rehas



Ipiniit ako
(Isidro Binangonan)


dito sa hawlang maalikabok at kalawangin.
Sapat ang laki (o liit) ng mga puwang
upang magkasya ang aking tuka, upang
abutin ang anumang burak o butil
na ipatuka. Ngunit hindi ako makakahig:
masikip at maaari akong ma-tetano.

Masyado raw akong malakas tumilaok.
Masyado raw maingay, ayaw nilang magising
Samantalang alam na alam naman nila
na tumitilaok ang manok kapag natatanaw
ang mapulang bukangliwayway na gumuguhit
sa dilim, lumulutang sa mga bundok.

Sinupil nila ang laya kong tumilaok
at kumahig sa buhangin. Ipiniit ako
dito sa hawlang maalikabok at kalawangin.
Sapat ang mga puwang upang ilawit ang tuka,
sapat upang hindi maabot ang kanilang kamay
dahil alam nilang papalag ako't manunuklaw.

emoticon



Wala nang obra, ubos na ang talinhaga
dahil sa-id na ang mga salita

Roy Monsobre


Wala na...
Ubos na...
Sa-id na...

Wala na akong magagawang obra
Sapagkat pinagdamutan na ako ng mundo
sa mga katagang dapat gamitin...

Ubos na ang aking mga talinhaga
pagkat ito'y tinangay na sa kawalan
at napadpad na sa kung saan...

sa-id na, ang malalalim na salita
upang ako'y muli pang gumawa ng tula
Inumit na ang mga ito at walang tinira...

wala na...
ubos na,,,
sa-id na,,,

wala nang inspirasyon...
ubos na ang isusulat...
sa-id na ang isipang mapaglaro...

Blue Jazz



singkopasyon
Lecter


nakakulong ka
sa pagitan ng ritmo
at sila ang nagdidikta
kung gaano kabilis
kung gaano kalakas

nasa dilim ka
at DI KA PINAKIKINGGAN
kapwa mo musikero lang ang nakakaintindi
at sila lang ang nakakaalam
kung gaano kahalaga ang
sining ng pagiisang dibdib
ng diwa at instrumento
sining ng makabuluhang pagbabago
sining na hinihinga mo

sige...

sumayaw ka sa indayog na gusto mo
hagurin mo ang sandata
at paalingawngawin mo sa diwa ng bawat nakikinig
ang diwang mapagpalaya...
kagaya mo rin sila
na biktima ng rehas na gumagapos sa ating lahat
palayain mo sila
na gaya ng pagpapalaya mo sa sarili mo

pera lang ang hawak nila
ikaw ang ARMAS
hawak mo ang lahat ng tumatangkilik sa musika mo.

mendiola



Mendiola
Jun Lisondra


Dapat nilang pakatandaan,
ang tulay na ito'y ang pisikal
na episentro lamang
ng tunggalian.

At ang mga dumadaluyong
na bandilang pula, at mga mukhang
hindi nila nakikilala ay usok
lamang ng naglalagablab
na digma nating anak ng bayan.
Hindi mapapayapa, hindi masusupil,
barikadahan man ng bakal na tinik
at berdugong tingga.

Huwag silang pakapanatag
sa dami ng tumatapong
dugo sa ating hanay, may pulso
tayong nagmamatyag sa mga lunsod
at kanayunan. Hitik sa apoy,
hitik sa paniningil.

Pakinggan nila ang sigaw
ng nakaluhod na matanda:
sa hatiang ito ng nang-aapi
at inaapi, tayong bumubulong
sa lupa ay mayroong langit
na kakampi.

Mangamba sila,
dahil itong hindi-mabilang
nating dibdib at kamao
sa bawat sulok ng pulo
ang Mendiola.

cellphone



Nokia 5510
[PsyCoH]


dalawang araw na,
dalawang araw na ang nakalipas...
dalawang araw na ang nakalipas mula nang magtext ako...

dalawang araw na,
dalawang araw na at magtatatlo na...
dalawang araw na at magtatatlo ngang araw...

dalawang araw na,
dalawang araw nang di tumutunog...
dalawang araw nang di tumutunog ang celfone ko...

dalawang araw na,
dalawang araw na akong nagtetext...
dalawang araw na akong nagtetext at wala kang reply...

dalawang araw na,
dalawang araw na akong naghihintay...
dalawang araw na akong naghihintay sa text back mo...

dalawang araw na ang nakalipas,
dalawang araw na at magtataglo na,
dalawang araw nang di tumutunog,
dalawang araw na akong nagtetext,
dalawang araw na akong naghihintay...

magtext ka naman,
mag-reply ka naman,

PLEASE!!!

dragon boat sunset



Haiga
Santiago B. Villafania


Dragon boat
mastering the waves
and wooden oars
---
dusk at sea
brown vikings
drift away
---

multiplicity



Imahe
Precious Marian Calvario


fibers of my limbs,
sacromeres within,
comprised my being

systems interrelated,
components interchanged,
passed through my body.

Love regained,
Faith redeemed,
defined my soul

Proof of existence
purpose of living
anounced my philosophy

I am mortal
corruptable, vulnerable
and so, deliverance i ask...

if anything fails to describe
my nirvana's left unattained
take a second look on my image...


(Liberalization day 2/25/05 Purple Haze, Marikina)

Oblation



OBLATION
/spin


This is the measure
of heaven - an armstretch.
I have long
wondered: given the size,
how many souls can fit in it?
I looked skywards
for the answer, expecting
enlightenment to rain
down upon my granite head.
None came,
except spiders crawling
through the cold
stretch of my legs.

Tren



Awit ng pagkadiskaril
usman abdurajak sali


Hulagway ka ng matinding kalungkutan ng aming bayan,
ng kalungkutang mas matindi pa sa aming dusa't pighati,
ng kalungkutang hindi maipinta ng nangingilid na luha;
sapagkat lungkot itong nadarama sa kaibuturan ng puso,
sa pinakaubod na kaluluwa nitong lugmok naming bayan.

Larawan, larawan ka ng nadiskaril naming mga pangarap.
Layang nadiskaril! Laya naming matagal nang nakaburol,
laya naming nilapa ng kalawanging budhi ng mga banyaga.
Anong kalungkutan ang hihigit pa sa kalungkutang ito?
Larawan, larawan ka ng nadiskaril naming mga pangarap!

Katulad mo, napag-iwanan na ng panahon ang aming bayan,
nagkukunwaring kaya pang umusad sa sinaunang mga riles,
lugaming bumubusina pagdatal sa abandonadong mga terminal;
Ikaw ang nagmumultong kaluluwa ng mga dekadang pumanaw
na sinasalubong ng mahabang alulong ng mga asong ulol.

Marami na ang pumanaw sa iyong madalas na pagkadiskaril,
Marami na rin ang pumanaw dahil sa nadiskaril naming laya!
Subalit tulad mo rin, sinisikap naming umusad at gumapang,
Matatag na sumasalunga sa bigwas ng taksil na mga kalawang,
PAGKAT KAILANGANG IBANGONG MULI LAYANG NADISKARIL!

Hihingalin man kami tulad ng pagbagtas mo sa rutang Bikol,
Maabala man ng palpak na makina o ng nawawalang mga trabyesa,
magpapatuloy ang aming byahe, magpapatuloy ang aming byahe!
Hanggang aming marating ang sukdulan ng aming "daang-bakal",
Kung saan magwawakas itong malumbay na awit ng pagkadiskaril.

Lirio



nalimutan ko na ang itsura ng bulaklak
Rustum Casia


you-don't-bring-me-flowers-anymore ang drama natin
noong lunes.
ewan.

mahal lang siguro ang bulaklak dahil sa VAT.
wala lang sigurong magandang kulay.
naubos na siguro dahil mataas ang demand.

tinatamad tuloy ako.
feeling ko wala akong silbi.

para akong brief na walang garter.
urinal na out of order.
baril na walang bala.
kutsilyong mapurol.
asukal na di matamis.
pinakbet na walang lasa.
stuff toy na di malambot.
butas na palanggana.

maiintindihan ko naman sana
kung talagang wala.
kaso pati ikaw-

wa

Martilyo't Lagari



IKAW, MANGGAGAWA
Alexander Martin Remollino


Bawat pakong iyong ibaon sa kahoy o kongkreto
ay gusaling itinatarak sa aspalto,
bubong na inilalatag sa ibabaw ng bahay.
Bakal kang pinanday ng karanasan
sa siyensiya't sining ng pagbibigkis-bisig.
Kung kaya naman ikaw,
manggagawa,
ang nasa unahan ng milyong patak ng tubig
na bibigwas, isang bagyo
sa alinsangan ng kasalukuyan --
sa mga kamay mo ang mga ngipin ng lagari,
lagaring kakagat sa binubukbok na kahoy
ng lipunang walang matwid.

Wednesday, February 23, 2005

highway 64

Sunday, October 17, 2004

Art of the masses

In the world today, all culture, all literature and art belong to definite classes and are geared to defenite political lines. There is in fact no such thing as art for art's sake, art that stands above classes, art that is detached from or independent of politics.